Our Nanay, Juliana Palis Cabrido, 1958 |
Nakakalungkot isipin na hindi na namin makikita at makakapiling si Nanay, pero napanatag naman ang loob namin na tapos na ang paghihirap ng kanyang katawan na iginupo ng sakit.
Noong bata pa po ako, maski wala pa akong kamuwang muwang sa mga tinatawag na fan's club, ay presidente na ako ng Fans Club ni Nanay. Ang akala ko si Nanay at si Amalia Fuentes ay iisa. Hindi dahil sa si Nanay ay may call slip sa pelikula kung di may larawan si Amalia Fuentes sa cover ng aming family album, at akala ko ay kay Nanay na larawan yun. Si Nanay naman, hindi niya itinatwa na siya nga yun, bagama't hindi naman nya sinabing tahasan na sya yun.
Actress Amalia Fuentes, 1958 |
At hindi lang sa ganda panalo si Nanay. Para sa amin, si Nanay ang pinakamagaling magluto sa lahat ng Nanay. Sa katunayan, siya nanalo siya sa recipe contest ng Procter and Gamble dahil sa kanyang Sarsiado Recipe. Panahon pa noon ng radyo sa aming baryo, kaya doon nya ipinadala ang kanyang award-winning na recipe. Kaya naman ang lahat ng lutuin ni Nanay ay nagiging favorite dish namin. Para sa akin, siya ang pinakamasarap magluto ng adobo, ginataang labong, tinolang manok, sinigang na bangus at maski na pinamalhan (paksiw na isda). Noong lumaki na kami at nakapunta na kung saan-saan, nakaranas nang dumulog sa Barrio Fiesta, sa Max's, sa Le Soufle, Via Mare, etc., medyo bumaba ang kinaroonang pedestal ni Nanay.
Pero maliban sa kanyang kaanyuan, lagi kong maaalala si Nanay sa kanyang mga biro, sa kanyang sarcastic comments (sa kanya kami natutong mag insulto nang suwabe lang, bagama't mas maraming nakakahigit pala sa amin when we went out in the big wide world). Sa aming pagiging kikay, si Nanay ay very staunch supporter. Kung anong usong damit at accessories, kung kaya din lang, meron kami noon. Maski damit na pang dalaga (translation: plunging neckline, empire cut, fitted waist, mini mini skirt) nuong kami ay teenager pa lamang, oks lang sa kanya, kunsitidora baga.
Hindi naman perfect si Nanay, at doon nga kami natutong tumanggap ng pagkatao ng aming mga kaibigan, anak, maski ng aming mga sarili. Kaya, maski sino ka man, tanggap ka namin, dahil ikaw ay ikaw, huwag ka lang magkunwari na iba ka sa talagang ikaw (ummm ano daw?). Si Nanay ay napaka prangka and she calls a spade a spade, alam nyo ba.
Maski noong may sakit na si Nanay, maayos pa rin siya at malinis at kahit anong oras mo sya dalawin, amoy baby powder pa rin sya. At naging ibang level na rin - pwede na siyang sabihan ng kahit anung relasyon meron kami. Kaya na nyang tanggapin ang modern romances, kung baga; hindi na siya naging palasaway sa aming mga pasaway.
Kaya 'Nay, maraming salamat sa pagiging totoong tao mo sa amin. Magkikita na kayo ni Tatay at ni Cezar , regards na lang sa kanila, pati na kina Tita Charing, Tita Rosie (kaarawan ngayon), Lola at Lolo, etc. Ma mimiss ka namin 'Nay pero nasa mabuti ka nang kalagayan, kaya masaya kami para sa iyo. Paalam, 'Nay.
No comments:
Post a Comment
I thrive on comments, thanks for leaving a comment. I will visit your blog as well :)
Note: Only a member of this blog may post a comment.