Monday, February 27, 2012

Eulogy for Nanay

Nanay died in August 2009, and this is my eulogy in Tagalog.   A eulogy is a speech (or occasionally a piece of writing) which praises someone, or something, highly.  They are usually about someone who has recently died.

Our Nanay, Juliana Palis Cabrido, 1958
Sa lahat po ng nagmamahal kay Nanay at sa amin, maraming salamat po sa pagsama nyo sa amin sa paghatid kay Nanay sa huling hantungan.  Sa lahat po ng nagbigay ng tulong, marami pong salamat. 

Nakakalungkot isipin na hindi na namin makikita at makakapiling si Nanay, pero napanatag naman ang loob namin na tapos na ang paghihirap ng kanyang katawan na iginupo ng sakit.

Noong bata pa po ako, maski wala pa akong kamuwang muwang sa mga tinatawag na fan's club, ay presidente na ako ng Fans Club ni Nanay.  Ang akala ko si Nanay at si Amalia Fuentes ay iisa.  Hindi dahil sa si Nanay ay may call slip sa pelikula kung di may larawan si Amalia  Fuentes sa cover ng aming family album,  at akala ko ay kay Nanay na larawan yun.  Si Nanay naman,  hindi  niya itinatwa na siya nga yun, bagama't hindi naman nya sinabing tahasan na  sya yun.
Actress Amalia Fuentes, 1958
Pero maski nga hindi si Amalia Fuentes ang nanay namin, para sa amin siya pa rin ang pinakamagandang nanay- ang aming Superstar Nanay, Nanay for all Seasons, at Mega Star Nanay, Diamond Star Nanay, etc..  Ang pinakaasam-asam naming marinig kapag may bumati sa aming 'kagandahan' ay ang sabihing kamukha namin si Nanay.  Sa maniwala kayo o hindi,  noon lamang namatay si Nanay nung mapagtanto ko na larawan pala ni Amalia Fuentes yung nasa pabalat ng aming family album.  Yung mapang-akit na ngiti ni Amalia Fuentes ang naging give-away.   Tulad ng lahat ng anak, mahirap isipin na ang iyong ina ay naging mapang-akit, at  sa lahat ng larawan ni Nanay, at hindi siya nagbigay ng ngiting  kahali halina tulad ni Amalia (siguro sa kanilang dalawa lang yun ni Tatay?)

At hindi lang sa ganda panalo si Nanay.  Para sa amin, si Nanay ang pinakamagaling magluto sa lahat ng Nanay.  Sa katunayan, siya nanalo siya sa recipe contest ng Procter and Gamble dahil sa kanyang Sarsiado Recipe.  Panahon pa noon ng radyo sa aming baryo, kaya doon nya ipinadala ang kanyang award-winning na recipe.  Kaya naman ang lahat ng lutuin ni Nanay ay nagiging favorite dish namin. Para sa akin, siya ang pinakamasarap magluto ng adobo, ginataang labong,  tinolang manok, sinigang na bangus at maski na pinamalhan (paksiw na isda).  Noong lumaki na kami at nakapunta na kung saan-saan, nakaranas nang dumulog sa Barrio Fiesta, sa Max's, sa Le Soufle, Via Mare, etc., medyo bumaba ang kinaroonang pedestal ni Nanay. 

Pero maliban sa kanyang kaanyuan, lagi kong maaalala si Nanay sa kanyang mga biro, sa kanyang sarcastic  comments (sa kanya  kami natutong mag insulto nang suwabe lang, bagama't mas maraming nakakahigit pala sa amin when we went  out in the big wide world).   Sa aming pagiging kikay, si Nanay ay very staunch supporter.  Kung anong usong damit at accessories, kung kaya din lang, meron kami noon.  Maski damit na pang dalaga (translation: plunging neckline, empire cut, fitted waist, mini mini skirt) nuong kami ay teenager pa lamang, oks lang sa kanya, kunsitidora baga.

Hindi naman perfect si Nanay, at doon nga kami natutong tumanggap ng pagkatao ng aming mga kaibigan, anak, maski ng aming mga  sarili.  Kaya, maski sino ka man, tanggap ka namin, dahil ikaw ay ikaw, huwag ka lang magkunwari na iba ka sa talagang ikaw (ummm ano daw?).  Si Nanay ay napaka prangka and she calls a spade a spade, alam nyo ba.

Maski noong may sakit na si Nanay, maayos pa rin siya at malinis at kahit anong oras mo sya dalawin, amoy baby powder pa rin sya.  At naging ibang level na rin - pwede na siyang sabihan ng kahit anung relasyon meron kami.  Kaya na nyang tanggapin ang modern romances, kung baga;  hindi na siya naging palasaway sa aming mga pasaway.  

Kaya 'Nay, maraming salamat sa pagiging totoong tao mo sa amin.  Magkikita na kayo ni Tatay at ni Cezar , regards na lang sa kanila, pati na kina Tita Charing, Tita Rosie (kaarawan ngayon), Lola at Lolo, etc.  Ma mimiss ka namin 'Nay pero nasa mabuti ka nang kalagayan, kaya masaya kami para sa iyo.  Paalam, 'Nay.


Related Posts with Thumbnails