Thursday, June 17, 2010

Huwag Kang Bibigay!

 
Ikaw ba ay jejemon?  Sa iyong edad na wala na sa kalendaryo tama ba yan?  Joke……..Peace po.  Wala naman pong masama sa pagiging jejemon.  Sabi nga ng Dep Ed mas pag-ukulan ng pansin ang moralidad, etc.  Tumpak din yun.  Ang sa akin lang naman ay mahalin naman natin ang ating sariling wika.  Kaya jejemon ka man, friends pa rin tayo kasi Tagalog pa rin ang wika ng jejemon, di ba…….At masayang basahin, at least umaandar ang utak.  Sabihin nyo yan sa mga lolo at lola na ang pag ‘decode’ sa salitang jejemon ay nakakapaghasa ng kanilang utak, lol.  Pero dapat maruong ka ring ng tamang Tagalog or Filipino, hane?

Ang ating paksa sa araw na ito ay ang ating sariling wika, Filipino. Inglesera ka man, conyo (uso pa ba yun?) o promdi na hindi gaanong marunong magsalita ng Tagalog (na basehan ng ating  wikang Filipino), kailangan naman na pag aralan mo ang ating wika tulad ng pag aaral mo ng salitang Ingles na minsan may British or Australian accent pa, Arabic o Korean, etc.  Mag pauso naman tayo ng pagsasalita ng tamang Filipino!  Alam kong hindi madali ito…..sabi nga ng kaibigan kong conyo kuno, ang bagal ng proseso – kasi nag iisip sya sa Ingles at kailangang i translate pa nya sa Tagalog bago siya magsalita! O di ba?  Hindi ko inaangkin na napakagaling kong mag Filipino o Tagalog, pero ga try naman ako ‘Day!

Nakapag panting ng tenga na marinig mo ang ating kabayan na laking La Union na mag sabi ng – “I just came back from a vacation, I went to Le Yunyohn, Pengasinen, Enjeles….” etc.  ad nausea.  Cute nya, di ba?  Ani Gat Jose  Rizal,  ang taong hindi nagmamahal ng sariling wika, masahol pa sa malansang isda.  Okey lang sa akin na mag Ingles tayo lalo na’t kausap natin ay banyaga: kahanga hanga na tayo ay marunong ng maraming wika, kaya nga marami tayong call centers, asset natin yan.  Pero huwag naman natin i murder ang mga proper nouns natin.  Mga pangalan yan ng ating lugar.  Nakalimutan na ba natin na minsan ay nagsalita din tayo ng Kastila kaya maraming tayong lugar na Kastila ang pangalan.  At siguro naman kung ipinanganak ka sa La Union, kaya mong ipaglaban na ang La Union ay hindi dapat maging Le Yunyohn. 

Kaya nga ipinaglalaban ko sa aking banyagang asawa na huwag niyang palitan ang ating mga lugar sa paraan ng kanyang pagbigkas:
1.      Ang Puerto Galera ay hindi Puerta Galera
2.      Ang Barrio Barretto ay hindi Barrio Berreta.
3.      Ang Dinalupihan ay hindi Di na Loop I hen
4.      And Caloocan ay hindi Ca look ken
5.      Ang Angeles City sa Pampanga ay hindi Angel less tulad ng Los Angeles, California.
6.      Ang La Union ay hindi Le Yunyohn.
7.      Ang Pangasinan ay hindi Pengasinen.

Kung sa mga banyaga manggaling ang maling pagbigkas, minsan cute di ba.  Pero mga kababayan, huwag natin silang gayahin, bagkus itama natin sila.  Palagay mo ba kung ang iyong kasintahan o asawa ay sumakay sa taksi at sabihin niya sa driver, take me to Ca Look Ken, maiintindihan kaya nya ito?  Baka kung saan madala ang giliw mo! 

Kaya nga mga mahal kong kababayan, huwag kang bibigay.  Huwag mong ipamigay ang pagiging Pinoy/Pinay mo kapalit ng American, British or Australian accent kung nag sasalita ka ng Tagalog o Filipino.  Kung English ang salita mo, hala, bahala ka sa pagbigkas mo, subukan mo lahat ng accents, ga hi-5 pa ako sa iyo.  Hanga ako sa mga taong mabilis matuto ng ibang salita.  Pero mahalin naman natin ang sariling atin. Nais mo bang palitan natin ang mga pangalan ng ating mga lugar para/dahil sa mga banyaga dito sa atin.  Mag isip ka kabayan!



Related Posts with Thumbnails