Thursday, June 17, 2010

Huwag Kang Bibigay!

 
Ikaw ba ay jejemon?  Sa iyong edad na wala na sa kalendaryo tama ba yan?  Joke……..Peace po.  Wala naman pong masama sa pagiging jejemon.  Sabi nga ng Dep Ed mas pag-ukulan ng pansin ang moralidad, etc.  Tumpak din yun.  Ang sa akin lang naman ay mahalin naman natin ang ating sariling wika.  Kaya jejemon ka man, friends pa rin tayo kasi Tagalog pa rin ang wika ng jejemon, di ba…….At masayang basahin, at least umaandar ang utak.  Sabihin nyo yan sa mga lolo at lola na ang pag ‘decode’ sa salitang jejemon ay nakakapaghasa ng kanilang utak, lol.  Pero dapat maruong ka ring ng tamang Tagalog or Filipino, hane?

Ang ating paksa sa araw na ito ay ang ating sariling wika, Filipino. Inglesera ka man, conyo (uso pa ba yun?) o promdi na hindi gaanong marunong magsalita ng Tagalog (na basehan ng ating  wikang Filipino), kailangan naman na pag aralan mo ang ating wika tulad ng pag aaral mo ng salitang Ingles na minsan may British or Australian accent pa, Arabic o Korean, etc.  Mag pauso naman tayo ng pagsasalita ng tamang Filipino!  Alam kong hindi madali ito…..sabi nga ng kaibigan kong conyo kuno, ang bagal ng proseso – kasi nag iisip sya sa Ingles at kailangang i translate pa nya sa Tagalog bago siya magsalita! O di ba?  Hindi ko inaangkin na napakagaling kong mag Filipino o Tagalog, pero ga try naman ako ‘Day!

Nakapag panting ng tenga na marinig mo ang ating kabayan na laking La Union na mag sabi ng – “I just came back from a vacation, I went to Le Yunyohn, Pengasinen, Enjeles….” etc.  ad nausea.  Cute nya, di ba?  Ani Gat Jose  Rizal,  ang taong hindi nagmamahal ng sariling wika, masahol pa sa malansang isda.  Okey lang sa akin na mag Ingles tayo lalo na’t kausap natin ay banyaga: kahanga hanga na tayo ay marunong ng maraming wika, kaya nga marami tayong call centers, asset natin yan.  Pero huwag naman natin i murder ang mga proper nouns natin.  Mga pangalan yan ng ating lugar.  Nakalimutan na ba natin na minsan ay nagsalita din tayo ng Kastila kaya maraming tayong lugar na Kastila ang pangalan.  At siguro naman kung ipinanganak ka sa La Union, kaya mong ipaglaban na ang La Union ay hindi dapat maging Le Yunyohn. 

Kaya nga ipinaglalaban ko sa aking banyagang asawa na huwag niyang palitan ang ating mga lugar sa paraan ng kanyang pagbigkas:
1.      Ang Puerto Galera ay hindi Puerta Galera
2.      Ang Barrio Barretto ay hindi Barrio Berreta.
3.      Ang Dinalupihan ay hindi Di na Loop I hen
4.      And Caloocan ay hindi Ca look ken
5.      Ang Angeles City sa Pampanga ay hindi Angel less tulad ng Los Angeles, California.
6.      Ang La Union ay hindi Le Yunyohn.
7.      Ang Pangasinan ay hindi Pengasinen.

Kung sa mga banyaga manggaling ang maling pagbigkas, minsan cute di ba.  Pero mga kababayan, huwag natin silang gayahin, bagkus itama natin sila.  Palagay mo ba kung ang iyong kasintahan o asawa ay sumakay sa taksi at sabihin niya sa driver, take me to Ca Look Ken, maiintindihan kaya nya ito?  Baka kung saan madala ang giliw mo! 

Kaya nga mga mahal kong kababayan, huwag kang bibigay.  Huwag mong ipamigay ang pagiging Pinoy/Pinay mo kapalit ng American, British or Australian accent kung nag sasalita ka ng Tagalog o Filipino.  Kung English ang salita mo, hala, bahala ka sa pagbigkas mo, subukan mo lahat ng accents, ga hi-5 pa ako sa iyo.  Hanga ako sa mga taong mabilis matuto ng ibang salita.  Pero mahalin naman natin ang sariling atin. Nais mo bang palitan natin ang mga pangalan ng ating mga lugar para/dahil sa mga banyaga dito sa atin.  Mag isip ka kabayan!



6 comments:

  1. Marami kang katotohanang inilahad dito, hahah, sorry ha, ako kase lumaki na halong English at Tagalog ang gamit sa bahay, siguro dahil na rin sa love for education. Parating merong usapan tungkol sa politics, economics, etc.

    Ang masasabi ko lang, siguro yung katulad nung sumigaw sa akin sa bangko nuong nakaraan, matagal na rin nangyari to. Nakapila ako sa isang bangko magdedeposit ng aking kinita sa pagbo blog. Merong isang mahaderang nag-cut na walang ka-abog abog sa akin. Palibhasa umaandar na ang pila, nuong hahakbang na ako forward, singit ang mahaderang nagpa blondie ng buhok nya at nagmayabang pa na kesyo napaka undisciplined naman daw ng mga pinoy. Kase pala, sya pala dapat duon sa pwesto ko, eh nag CR lang naman daw sya. Di ko kase alam na meron din palang ownership ang pilahan. So yun, nagdrama sya with matching Englishes na hindi ko mawari kung matatawa ako o maiinsulto, kase po mejo teacher din ako ng English at dating call center agent. Sana rin, yung ibang mga nakakapag-asawa ng foreigner tulad mo, level headed para naman hindi rin tayo kahiya-hiya sa ibang tao.

    Thanks for sharing this post, naaliw ako sa candidness mo ^___^x peace!

    ReplyDelete
  2. Thanks, Mari. Nakakalungkot kasi na ang iba sa ating Pinay, parang langaw na natuntong sa kalabaw, at pakiramdam ay mataas pa siya sa kalabaw, grabe. Palagay ko, taktika lang yan ng Blondie para makasingit sa iyo....idinaan sa dakdak nya, Nakakahiya...pero siguro kung sino na lang ang mas marunong, sya na lang umunawa.

    Bilib naman ako sa iyo, kumikita ka sa blogging. Dapat basahin ko blogs mo para may matutunan naman ako...at kumita rin. Hanggang ngayon kasi wala pang $2 ang kinita ng blog ko, hay.

    ReplyDelete
  3. tama ang sinabi nyo sad to say na sa pilipino lang natin nakikita ang ganyan.

    napadaan lang po sana mapadaan din kayo sa hangout ko thanks at bumoto narin hihihi

    ReplyDelete
  4. nakakatuwa po kayo! mahalin ang sariling wika... Hindi naman masamang maging "fluent" sa wikang ingles...tapos sabay banat ng mga slang-slangan na tagelogs! Aysus ginoo! Ewan ko po ba... Siguro dahil sa crab mentality ng iba sa atin...siguro po isa na ako doon, pero sa totoo, hirap ako sa ingles...hehehe...mas okay pa din ang natural na tagalog...

    ReplyDelete
  5. Agree ako diyan Jhengpot. Nakakapag panting lang ng tenga na mapakinggan na ang dating kaibigan na dati ay tuwid magtagalog ay biglang hindi na makapag tagalog dahil lang sa naka punta na sa ibang bansa at natigil doon ng isang buwan! Sapat na ba yun upang malimutan ang sariling wika? Sabi mo nga, hindi naman masama na maging fluent sa wikang Ingles...asset pa nga yun, pero hindi naman kailangang i sakripisyo ang sariling wika para lang masabing Inglesera kuno :(

    ReplyDelete

I thrive on comments, thanks for leaving a comment. I will visit your blog as well :)

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Related Posts with Thumbnails